Connect with us

Hi, what are you looking for?

Joscoop

Buzz

Ano Nga Ba ang Dolomite Na Ginamit Sa Manila Bay Artificial ‘White Sand Beach’ Project?

Safe ba ang dolomite? May ibang artificial beach ba na gawa sa dolomite?

A A A

Umani ng samo’t-saring opinion kamakailan ang pagtatambak ng fake white sands sa Manila Bay bilang bahagi ng proyekto ng pamahalaan na pagandahin ang baybayin ng naturang lugar.

Inulan ng batikos mula sa iba’t ibang sektor ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), na nagpasimuno sa kontrobersiyal na proyekto, dahil sa pangamba na hindi umano ligtas sa kalusugan at kalikasan ang artificial white sands na gawa pala sa dinurog na dolomite.

Ano ang dolomite?

Ang Dolomite ay isang pangkaraniwang mineral na nabubuo sa bato. Kilala din ito bilang calcium magnesium carbonate at may chemical composition na CaMg(CO3)2.

Kadalasan, ang dolomite ay tumutukoy rin sa bato na naglalaman ng mineral na dolomite ngunit ang eksaktong tawag dito ay dolostone.

Si Deodat de Dolomieu, isang kilalang French geologist at mineralogist, ang nakadiskobre sa nasabing mineral noong 1790. Sa kanyang paglalakbay sa kabundukan ng Alps, nakakita siya ng kakaibang bato at agad niya itong pinag-aralan.

Inilathala niya ang kanyang pagsusuri sa French science magazine na “Journal de Physique” noong 1791 at sa kasunod na taon, ipinangalan sa kanya ang mineral bilang Dolomite at maging ang bulubundukin kung saan niya natagpuan ang mineral.

Ano ang gamit ng Dolomite?
Ang Dolomites mountain range na matatagpuan sa Italian Alps. (Photo: Wikipedia)

Ginagamit ang mineral na dolomite sa chemical industry para i-neutralize ang mga asido. Dito rin madalas kinukuha ang Magnesia o Magnesium Oxide (MgO) na ginagamit bilang sangkap ng Portland cement. Ginagawang food additive, ginagamit sa wastewater treatment, at madalas din ito ginagamit sa mga water filtration systems para pagandahin ang kalidad ng inuming tubig.

Malaki ang gamit ng dolomite sa environmental protection dahil ginagamit ito sa mga stream restoration projects o mga proyekto na ang layunin ay maibalik sa kalinisan ang maduduming ilog.

Sa hortikultura, madalas ginagamit ang dolomite bilang pataba sa lupa. Sa agrikultura naman, hinahalo ito sa pagkain ng mga alagang hayop dahil sagana ito sa mga bitamina tulad ng calcium at magnesium. Ginagamit naman ito bilang lupa sa mga saltwater aquariums dahil nakakatulong ito para kontrolin ang pagbabago ng pH level ng tubig.

Bilang dolostone o batong naglalaman ng dolomite, ginagamit ito sa napakaraming bagay. Madalas ito matatagpuan sa malalaking deposito kaya madali lang ang pagmina nito. Sa katunayan, ang dolomite (kasama ang calcite at aragonite) ang bumubuo sa 2 porsyentong ibabaw na bahagi ng mundo.

Kadalasan ginagamit ang dolomite sa konstraksyon tulad ng paggawa ng mga kalsada, dinudurog ito at hinahalo sa konkreto.

Ang malalaking tipak ng dolomite ay dinudurog at madalas ginagamit bilang artipisyal na buhangin.

Maliban dito, ginagamit rin ang dolomite bilang health supplement dahil naglalaman ito ng calcium at magnesium na pinaniniwalaang nakakatulong sa mga mababa ang calcium at may problema sa buto. Gayunpaman, pinapayuhan ng mga doktor ang publiko na huwag uminom ng dolomite tablets sapagkat maaari itong kontaminado ng ibang nakakalason na mineral.

Safe o ligtas ba sa tao ang dolomite?

Ang dolomite ay kilala na non-toxic at ligtas sa tao. Ibig sabihin, kapag hinawakan o nakalanghap ka ng alikabok nito, wala itong masamang epekto sa iyong kalusugan.

Tinatawag itong nuisance dust na nagdudulot ng kaunting istorbo sa paghinga ngunit hindi ito mapanganib sa kalusugan ng tao. Kung ikukumpara, mas mapaminsala pa ang epekto sa baga kapag nakalanghap ng ibang mineral tulad ng silica.

Ngunit ika nga nila, lahat ng sobra ay masama. Ayon sa isang pag-aaral, may masamang epekto sa kalusugan kapag sumobra sa dami ang nalanghap na dolomite. Kabilang sa mga posibleng apektado dito ang mga manggagawa na araw araw expose sa dolomite sa kanilang trabaho at nakakalanghap ng maraming alikabok.

Tiniyak naman ng Department of Health (DoH) na safe o ligtas ang dolomite at walang dapat ikabahala sapagkat wala itong masamang epekto sa kalusugan. Masyado umano malalaki ang mga dolomite para manatili sa hangin at malanghap ng tao.

Saan galing ang dolomite sa Manila Bay?

Ang dolomite na ginamit sa Manila Bay ay galing pa sa maliit na bayan ng Alcoy sa Cebu kung saan matatagpuan ang pinakamalaking dolomite quarry sa Pilipinas. Nagsimula ang operasyon nito noong 1980s at may kaukulang permit ito mula sa Mines and Geosciences Bureau (MGB).

Ang naturang dolomite mula sa Cebu ay ginagamit bilang raw material sa paggawa ng steel, salamin, at fertilizer na inaangkat ng Japan at iba pang bansa sa Southeast Asia.

May ibang artificial beach ba na gawa sa dolomite?
Larvotto Beach, Monte-Carlo

May ibang artificial beach ba sa buong mundo na gawa sa dinurog na dolomite? Ito ngayon ang kadalasan na tanong ng mga Pinoy.

Ang sagot ay oo, mayroon.

Ang Larvotto Beach sa Monte-Carlo ang nag-iisang pampublikong beach sa bansang Monaco. Isa itong man-made beach na ginamitan ng dolomite. Ginawa ito matapos ang World War II at isa na ngayon sa pinaka sikat na tourist destination sa Monte-Carlo.

Halos 21.5 percent naman ng 132-kilometro kahabaan ng French Riviera sa France ay man-made at ginamitan ng dolomite sand.

French Riviera, France

Ano ang opinion mo tungkol sa Manila Bay “white sand beach”? I-comment ang iyong sagot sa baba.

Comments

Facebook

Advertisement

You May Also Like