Connect with us

Hi, what are you looking for?

Joscoop

World

Sirang Barko At Kapabayaan Ng Gobyerno Ang Ugat Ng Pagsabog Sa Beirut, Lebanon

Mapait na kwento ng barkong Rhosus na may kargang mapanganib na kargamento.

A A A

Ang M/V Rhosus ay dumating sa Beirut noong Nobyembre 2013, dalawang buwan ang nakalipas matapos itong tumawid sa Black Sea galing sa isang pantalan sa Batumi, Georgia. Ang barko ay inupahan ng isang Russian na negosyanteng si Igor Grechushkin, upang magdala ng mapanganib na kargamento: 2,750 toneladang ammonium nitrate, isang chemical compound na ginagamit sa pag-gawa ng pataba at pasabog.

Kwento ng kapitan na si Boris Prokoshev, pinalitan niya ang dating kapitan ng Rhosus pagdating ng barko sa Turkey. Ito ay pagkatapos mag-mutiny ang naunang mga trepolante dahil hindi umano nakatanggap ng pasahod. Ayon pa sa kapitan, binayaran raw si Mr. Grechushkin ng $1 milyon dolyares para dalhin ang mapanganib na kargamento sa isang daungan sa Beira, Mozambique.

Ang nasabing ammonium nitrate ay binili ng International Bank of Mozambique para sa isang kompanyang gumagawa ng komersyal na mga paputok, ang Fabrica de Explosivos de Moçambique.

Ayon kay Mr. Prokoshev, tinawagan raw siya ni Mr. Grechushkin, na nasa Cyprus noon, at sinabing wala umano itong sapat na pera para bayaran ang paglalakbay nila gamit ang Suez Canal. Kaya dumaan muna sila sa Beirut para kumita sa pamamagitan ng pagtanggap ng karagdagang kargamento.

Subalit pagdating sa Beirut, napag-alaman nila na hindi kasya sa kanilang barko ang karagdagang kargamento na mabibigat na makinarya.

Maliban dito, napag-alaman din ng mga opisyales ng Lebanon na sirain at di na dapat pinapayagang bumiyahe ang barkong Rhosus na mahigit 40 anyos na ang tanda. Kaya naman inimpound nila ito matapos hindi makapagbayad ng karampatang bayarin sa daungan, at iba pang singil.

Sinubukang kontakin ng mga tripolante ng barko ang kanilang boss na si Mr. Grechushkin para humingi sana ng pambayad sa fuel, pagkain, at iba pang pangangailangan. Subalit naglaho na lamang ito na parang bula at malinaw na inabandona na nito ang inupahang barko.

Anim sa mga tripolante ang pinayagang umuwi ng mga opisyales ng Lebanon, ngunit ang kapitan at tatlong Ukrainian na tripolante ay sapilitang pinapanatili hangga’t hindi nababayaran ang utang ng barko. Mahigpit na pinagbawal ng immigration ng Lebanon na umalis sa barko ang mga naiwang tripolante, na napilitan na lamang manghingi ng pagkain at iba pang pangangailangan sa araw araw.

Ayon kay Mr. Prokoshev, naaawa raw sa kanila ang mga opisyales sa daungan kaya binibigyan sila ng pagkain. Tila wala raw pakialam ang mga ito sa kanilang mapanganib na karga. Ang importante lang raw sa mga ito ay ang makokolektang bayad galing sa barko.

Ayon pa sa kapitan, ang nakakaawa nilang sitwasyon noon ay umani ng atensyon sa Ukraine, na tinawag silang “hostage” na nakulong sa abandonadong barko.

Bilang isang Russian, sinubukan umano ni kapitan Prokoshev na humingi ng tulong sa Embahada ng Russia sa Lebanon. Subalit, nakatanggap lamang siya ng mapaklang salita tulad ng “Do you expect President Putin to send special forces to get you out? (Umaasa ka ba na magpapadala si President Putin ng special forces para kunin kayo?)”

Dahil sa kagipitan, binenta ni Mr. Prokoshev ang ilang fuel ng barko at ginamit ang nalikom na pera para magbayad ng mga abogado, at ang mga abogado na ito ang nagbigay rin mismo ng babala sa mga otoridad ng Lebanon sa nakaabang na panganib na baka lulubog o puputok ang barko anumang sandali.

Isang huwes na Lebanese ang nagpalaya sa mga tripolante noong Agosto 2014, sa dahilang nakakaawa na ang kalagayan nila.

Sa pag-alis ng mga tripolante ng barko, napunta sa mga otoridad ng Lebanon ang pangangalaga sa mapanganib na kargamento. Diniskarga ito ng mga opisyales at nilipat sa warehouse sa pantalan na nagngangalang Hangar 12, kung saan kinalimutan na ito sa nakalipas na anim na taon at humantong nga sa pagsabog nito kamakailan.

Para sa karamihang Lebanese, isa lamang ito sa maraming kwento ng talamak na kapabayaan at maling pamamahala ng pamunuan na siya ring dahilan kung bakit nakakaranas ng krisis ang ekonomiya ng kanilang bansa ngayong taon.

Ayon kay Mr, Prokoshev, na hindi pa raw nakakatanggap ng sahod na umabot sa $60,000, ang nararapat umano sisihin ay si Mr. Grechushkin dahil ito ang nag-utos sa kanila na dumaan muna sa Beirut para tumanggap ng karagdagang kargamento bilang pambayad sa pagpasok nila sa Suez Canal. Isama na rin umano ang mga otoridad ng Lebanon na nagpumilit na i-impound ang barko at itago sa bodega ang ammonium nitrate sa halip na gawin itong pataba sa lupa.

“They could have had very good crops instead of a huge explosion.” (Nagkaroon sana sila ng magandang pananim sa halip na malaking pagsabog, ani kapitan.)

Napag-alaman ni Mr. Prokoshev galing sa ilang kaibigan na naglayag mula Beirut, na lumubog ang barkong Rhosus sa loob ng daungan bandang 2016 matapos itong pasukin ng tubig.

Kung iisipin, hindi sana mangyayari ang pagsabog sa Beirut kung nakinig lamang ang kanilang gobyerno sa mga babala ng ilang opisyales ng custom. Sumulat umano ang mga ito ng anim na liham sa gobyerno simula 2014 hanggang 2017, at nagbabala tungkol sa mapanganib na kemikal na tinago at kinalimutan sa isang bodega sa pantalan.

Ayon sa sulat ng customs director na si Shafik Marei noong Mayo 2016:

“In view of the serious danger posed by keeping this shipment in the warehouses in an inappropriate climate, we repeat our request to demand the maritime agency to re-export the materials immediately.”

(Dahil sa panganib na dulot ng pagtatago nitong kargamento sa mga bodega na may hindi angkop na klima, inuulit namin ang aming pakiusap na utusan ang maritime agency na ibalik sa pinanggalingan ang materyales sa lalong madaling panahon.)

Naglahad pa ng ilang mungkahi ang mga customs officials, kasama na dito ang panukala na i-donate ang ammonium nitrate sa Lebanese Army, o kaya ibenta ito sa isang pribadong kompanya sa Lebanon na gumagawa ng paputok. Pagkatapos ng isang taon, nagpadala ulit ng pangalawang liham si Mr. Marei. Sa kasamaang palad, binalewala lamang at hindi pinansin ng Judiciary ang kanilang mga pakiusap.

Kinumpirma din ni Hassan Koraytem, isang manager sa daungan sa Beirut, na ilang taon na ang dumaan, wala pa rin nangyari sa kanilang kahilingan.

“We were told the cargo would be sold in an auction. But the auction never happened and the judiciary never acted.”

(Ang sabi sa amin, ibebenta raw sa auction ang kargamento. Pero wala namang naganap na auction at walang ginawa ang judiciary.)

Comments

Facebook

Advertisement

You May Also Like