- Napansin ng Pedicab Driver ang isang pouch sa kanyang minamanehong pedicab
- Agad na humingi ng tulong sa Catarman MPS ang driver para maisauli ang pouch na naglalaman ng halagang P107,000
- Sa tulong ng kapulisan, agad naman nahanap ang may-ari na isang retired public school teacher
Umani ng papuri ang isang pedicab driver matapos na magsauli siya ng pitakang naiwan ng kaniyang pasahero.
Hindi nagdalawang-isip si Eduardo Marino, 49-anyos, residente ng Purok 5 Brgy. Baybay, Catarman, Northern Samar, na ibigay sa mga awtoridad ng Catarman MPS ang naiwang colored pouch sa loob ng kanyang minamanehong pedicab.
Ayon sa pedicab driver, habang nasa byahi napansin nya ang pouch sa loob ng kanyang pedicab na may lamang malaking halaga ng pera. Kaagad niya itong dinala sa Police Station para humingi ng tulong upang maisauli ang pouch sa may-ari.
Kaagad na nagsagawa ng imbestigasyon ang kapulisan ng Catarman MPS para matukoy kung sino ang may-ari ng pouch na naglalaman ng halagang P107,000.
Mabilis naman natunton ang may-ari ng colored pouch na si Fe Merigeldo, 74-anyos at isang retiradong public school teacher na residente sa Brgy. Acacia, Catarman Northern Samar.
Kuwento ni Fe Merigeldo, sumakay siya ng pedicab galing Catarman Public Market patungong Brgy Acacia at hindi nya napansin na nahulog pala ang kanyang pouch.
Kaya labis ang pasasalamat at paghanga ni Fe Merigeldo sa katapatang ipinamalas ni Eduardo.
Bagama’t mahina ang kita bilang isang pedicab driver, hindi pumasok sa isipan ni Eduardo na pag-interesan ang nakitang pouch at ang malaking halaga ng pera na laman nito.
Ayon sa Catarman MPS, saludo sila sa katapatan ni Mang Eduardo at sana raw magsilbi itong ihemplo sa iba pa nating kababayan.