Mabilis na nag-viral ang video ng isang ginang na nagawang sitahin ng barangay dahil sa paglalaba nito sa kanyang bakuran nang walang face mask.
Sa Duhat compound sa Barangay Marcelo Green, Parañaque nangyari ang na-video-han na pagtatalo sa pagitan ni Dina Mapayo at mga awtoridad
Naglalaba sa labas ng kaniyang bahay si Mapayo at wala siyang face mask kaya pilit siyang pinapagalitan ng mga tauhan ng task force.
“Hindi ko naman kailangan ng face mask habang naglalaba… Ang alam ko ‘pag lumalabas mag-face mask,” giit ni Mapayo.
Hanggang sa huli, nanindigan pa rin si Mapayo at hindi sumama sa mga awtoridad.
“Ngayon nagre-resist kayo. Within 3 days aalamin po namin ang pangalan niyo, papadalhan namin kayo ng summon. Mas lalaki ang problema niyo,” anang isa sa sumita sa ginang.
Dahil sa di pagsusuot ng mask, pinagmumulta ng P1,000 si Mapayo. Napaluha ang ginang dahil sa umano’y kalabisan ng mga awtoridad.
“Masyado na silang abusado sa mga mahihirap na kagaya namin,” emosyonal na sabi ni Mapayo.