Connect with us

Hi, what are you looking for?

Joscoop

Politics

Anak ng Isang OFW, Kauna-unahang Pinay Mayor Sa England

Kilalanin ang anak ng isang OFW na naging kauna-unahang Pinay Mayor sa Englatera.

A A A

Totoo nga na kahanga-hanga ang mga Pilipino at talagang maipagmamalaki saan mang lupalop ng mundo. Isa sa panika-bagong inspirasyon ngayon ang kwento ng isang anak ng OFW na naging kauna-unahang Pinay na inihalal bilang Mayor sa England.

Una nang nagtala ng kasaysayan si Cynthia Alcantara Barker noong 2015 bilang pinaka unang Filipino na naging konsehal sa United Kingdom. Naging Deputy Mayor noong 2019.

At nito lamang 2020, nadagdagan ang rekord nya bilang pinakaunang pinay na mayor sa England nang mahalal siya bilang Mayor ng Hertsmere!

Hindi lang ito ang nakakamangha. Ang pagkahalal kay Cynthia bilang Mayor ay patunay ng kanyang pambihirang reputasyon sapagkat ang dalawang pangunahing partido, ang Labour at Liberal Democrats, ay hindi nagtalaga ng kanilang sariling kandidato pagka-mayor. At ang mga konsehal sa tatlong iba pang partido ay buong pagkakaisang naghalal kay Cynthia Baker bilang Mayor.

“Ang aking pagkakaupo bilang isang mayor dito sa UK ay katunayan na tinatanggap at kinikilala ang mga Pilipino sa bansang Inglatera,” ani Mayor Cynthia.

Marami ang nag-akalang ipinanganak at lumaki si Mayor Cynthia sa England, pero lingid sa kaalaman ng karamihan, lumaki si Cynthia sa San Pablo City, Laguna habang ang kanyang ina ay nagtatrabaho bilang isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa United Kingdom.

Nagtapos si Mayor Cynthia ng Industrial Engineering sa Adamson University sa Manila bago siya nag-migrate papuntang UK sa tulong ng kanyang OFW na ina.

Bago pa nagviral si Mayor Cynthia bilang kauna-unahang Pinay na mayor sa England, napahanga na niya karamihan sa Pinoy community nang siya ay maging tagapangasiwa ng British version ng Hollywood sa UK.

Noong konsehal pa lamang siya, bahagi ng kanyang nasasakupan ang bayan ng Elstree at Borehamwood borough. Kung saan matatagpuan ang Elstree and Borehamwood Film Studios na kilala bilang Hollywood ng United Kingdom.

“I always visit Elstree and Borehamwood Studios as much as I could to see what’s happening there from a day-to-day basis. I am exercising my responsibilities over the studios as councilor.”

(Binibisita ko palagi ang Elstree and Borehamwood Studios sa abot ng aking makakaya para makita kung ano ang nangyayari doon sa araw-araw. Ginagampanan ko lang ang responsibilidad ko sa mga estudyo bilang konsehal.)

Tulad ng ibang anak ng mga OFW, hindi naging madali para kay Cynthia at kanyang apat na kapatid ang magkaroon ng isang OFW na ina. Siyam na taong gulang siya noon nang magpasya ang kanyang ina na si Nelia Bartolome, isang guro, na magtungo sa UK noong dekada 70 para magtrabaho bilang kasambahay.

Naiwan silang magkakapatid sa pangangalaga ng kanilang ama na si Romeo Alcantara na isa ring guro. Tanging sa sulat lamang nila nakakausap ang kanilang ina at kailangan pa nila maghintay ng apat na taon para muli itong makita.

Aminado si Cynthia at mga kapatid sa labis na sakripisyo ng kanilang ina. Kaya naman, bilang ganti ay mas pinagbuti pa nila ang kanilang pag-aaral. Pagsapit ng tamang edad, tinulungan sila ng kanilang ina na mag-migrate patungong UK.

Sulit umano ang lahat ng sakripisyo ng kanilang ina dahil nabigyan sila nito ng magandang buhay. Ang panganay sa kanilang magkakapatid ay retired engineer na ngayon sa California, ang pangalawa naman ay immigration adviser at isa ring journalist sa London. At ang dalawang nakababata naman ay isang senior healthcare worker sa London at isang senior nurse sa California.

Taong 1983 nagmigrate sa UK si Mayor Cynthia sa tulong ng kanilang ina. Nagsimula siya magtrabaho sa British Council kung saan nag-aabot ng tulong sa mga scholar. Matapos dito, nagtrabaho siya bilang manager sa iba’t ibang kompanya. At pagkalipas ng ilang taon, nagtayo siya ng sariling negosyo sa iba’t ibang industriya tulad ng recruitment, healthcare training, at immigration law practice.

Kahit nakapagtapos na ng pag-aaral sa Pilipinas, muling nag-aral si Cynthia sa University of Hertfordshire. At kumuha din siya ng kursong Leadership Development sa Blavatnik School of Government, sa Oxford University.

Madalas lumahok si Cynthia sa mga charity at volunteer work sa kanilang komunidad. Dito napansin ang kanyang kabutihan at pagiging likas na matulungin sa kapwa. Kaya nagustuhan siya ng Conservative Party at inalok siya na maging bahagi ng kanilang partido. Hindi naman nabigo ang mga ito dahil pinatunayan ni Cynthia na karapat-dapat siya maging Mayor.

Payo ni Mayor Cynthia sa mga kapwa pinoy, ang susi ng tagumpay ay huwag kalimutan ang iyong dugong pinoy at pag-isahin ito sa iyong bagong kultura.

“You will not be successful, or you will not be happy if you say ‘I am just British or I’m just Filipino. You have to integrate and embrace both.”

(Hindi ka magiging matagumpay, o hindi ka magiging masaya kung sasabihin mo ‘Ako ay British lang o Ako ay Filipino lang.’ Kailangan mo pagsama-samahin at yakapin pareho.)

Like Logo on Facebook

Comments

Facebook

Advertisement

You May Also Like