Connect with us

Hi, what are you looking for?

Joscoop

World

China Nagpakawala ng ‘Aircraft-Carrier Killer’ Na Missile Bilang Babala Sa US

Kayang tamaan ng DF-26B ang mga gumagalaw na target sa karagatan

A A A

Nagpakawala ang China ng dalawang missile, kabilang ang isang tinaguriang ‘aircraft-carrier killer’ sa South China Sea bilang babala sa Estados Unidos sa kabila ng patuloy na tumataas na tension sa pinag-aagawang South China Sea.

Batay sa report ng South China Morning Post (SCMP) nitong Huwebes, nagpakawala ang Beijing ng isang intermediate-range ballistic missile (DF-26B) mula Qinghai Province at isa pang medium-range ballistic missile (DF-21D) mula Zhejiang Province nitong Miyerkules bilang tugon sa pagpasok ng isang US spy plane sa kanilang ‘no-fly zone’.

Sa panayam kay Mark Esper, ang hepe ng US Defence, sinabi niya na ang China ay paulit ulit na hindi tumutupad sa pangako nito na sumunod sa international law. At mapapansin umano na tanging China lamang ang laging nagfe-flex ng muscle nito sa Southeast Asia.

Ang dalawang missile ay iniulat na pinakawalan malapit sa Hainan Province at ang pinag-aagawang Paracel Islands, ayon sa SCMP.

Nakasaad sa ulat na isang U-2 spy plane ng US ang umano’y pumasok ng walang pahintulot sa itinalagang ‘no-fly zone’ ng China. Nangyari umano ito sa kalagitnaan ng live-fire naval drill na isinagawa ng China sa Bohai Sea na matatagpuan sa hilagang baybayin nito.

Sa isang social media post ni Liu Xiaoming, ang ambasador ng China sa United Kingdom, malubha raw na ginulo ng US ang normal na pag-eensayo ng China.

Ayon naman kay Zhao Lijian, ang foreign ministry spokesman ng China, ang pagpapalipad ng spy plane ay maituturing na isang “provocative actions” o mapagbunsod na pagkilos at hinihikayat niya ang US na tumigil.

Ang DF-26B na missile, na isinapubliko nito lamang buwan ng Agosto, ay may kakayahan na tamaan ang gumagalaw na target sa karagatan, kaya binansagan itong “aircraft-carrier killer”, ayon sa Global Times, isang pahayagan na pag-aari ng estado ng China.

Inamin rin kamakailan ni Senior Colonel Wu Qian, tagapagsalita ng Chinese Defence Ministry, na may kakayanan ang DF-26B na magdala ng conventional at nuclear na warhead. At mayroon itong kakayahan na precision strikes o tiyak na tatama sa kahit anong target mapalupa man o dagat.

Sa layong abot nito na 4,500km (2,796 miles), kayang abutin ng DF-26B ang West Pacific at Indian Ocean, pati na rin ang mga pasilidad ng US sa Guam, ang British Island ng Diego Garcia, at kahit ang Darwin, isang siyudad sa Australia.

Ang DF-21 ay inilarawan bilang anti-ship ballistic missile system at ginawa talaga para palubugin ang mga kalabang barko sa gitna ng karagatan kahit tumatakbo ang mga ito.

‘Pasok naman sa panuntunan’

Nitong Hulyo, dalawang sasakyang panghimpapawid ng US ang nagsagawa ng freedom of navigation exercise at pagsasanay militar kasama ang mga kaalyado nito sa South China Sea.

Kinumpirma naman ng Pentagon ang pagpapalipad ng U-2 spy plane at dinagdag pa nito na ang aktibidad sa Indo-Pacific region ay “pasok sa international rules at regulasyong namamahala sa pagpapalipad ng mga sasakyang panghimpapawid.”

Lumabas ang balita ng pagpapakawala ng missile pagkatapos lamang mag-anunsiyo ang US na iba-blacklist nito ang nasa 24 na kompanyang Chinese at target din ang ilang indibiduwal na naging bahagi umano sa construction at military actions sa South China Sea. Ito ang kauna unahang sanction na inilabas ng US laban sa Beijing na ang dahilan ay ang pinag-aagawang South China Sea.

Dalawang dosenang kompanya ang malaki umano ang papel sa pagtulong sa Chinese military na magtayo ng mga pasilidad at i-militarize ang mga kontrobersyal na artificial islands sa South China Sea.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng State Department ng US na magpapatupad sila ng restrictions sa mga Tsino na responsable sa nasabing aksiyon at pati na rin ang may kaugnayan sa ginagawang pangha-harass ng China upang pigilan ang mga karatig bansa sa Southeast Asia na mapakinabangan ang kanilang offshore na mineral at yamang dagat.

Matatandaan na inaangkin ng China ang halos kabuuan ng South China Sea na sinasabing mayaman sa enerhiya. Subalit inaangkin rin ng Brunie, Malaysia, Pilipinas, Taiwan, at Vietnam ang ilang bahagi rito kung saan nasa mahigit $3 trillion na kalakal ang dumadaan taon taon.

Kinondena ng US ang China sa pagmilitarisa nito sa South China Sea at ang patuloy na pananakot at pambu-bully sa mga karatig-bansa na gustong makinabang sa teritoryo na pinaniniwalaang sagana sa krudo at gas.

Pinuntahan na ng mga US warship ang lugar para igiit ang kalayaan na dumaan sa mga international na rota ng barko, sa kabila ng pangamba ng karamihan na baka magkaroon ng komprontasyon.

Determinado naman ang China na protektahan ang soberanya nito at ipatupad ang kanilang karapatan na maglagay ng mga kagamitang pandigma at magtayo ng mga pasilidad sa kanilang inaangkin na teritoryo.

Comments

Facebook

Advertisement

You May Also Like

World

Nahaharap ang kompanya sa mahigit 19,400 na kaso kaugnay sa akusasyon na ang kanilang baby powder ay nagdudulot ng kanser.

World

Pinapaliwagan umano ang isang paaralan matapos masawi ang isang mag-aaral.